Umani ng batikos mula sa mga tila maka-Duterte netizens si Makati Mayor Abby Binay matapos kontrahin si Vice President Sara Duterte sa pambabatikos sa pamamahagi ng P20 kada kilong bigas sa Visayas.
Ginawa ni Binay ang pahayag sa kabila ng sinasabing paalala ng Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal ang mga aktibidad na maituturing na vote-buying sa panahon ng kampanya.
Sa ulat ng Politiko, agad na bumuhos ang mga negatibong komento laban kay Binay sa social media, partikular sa Facebook page ng new website.
Marami sa mga netizens ang nagpahayag ng umano’y pagkadismaya at nanawagan na huwag siyang iboto sa Senado.
Pinuna nila ang anila’y pagiging “pakialamera” ni Binay at inungkat ang mga lumang isyu ng kanyang pamilya, kabilang ang alitan sa pulitika ng mga Binay sa loob mismo ng simbahan.
Sa isang press conference, iginiit naman ni Binay na hindi dapat ipagpaliban ang pagbibigay ng murang bigas kung kaya naman itong ibigay sa mga nangangailangan kahit panahon ng halalan.
“Hindi naman po ganoon ang trabaho ng gobyerno. Kung maibibigay mo na ngayon, ibigay mo na. Hindi mo pwedeng sabihin na, ‘Mag-aantay ako ng magandang timing,’” aniya.
Subalit hindi ito pinalampas ng mga tagasuporta ni Duterte, at ayon sa pagsusuri ng 3RD_AI_, posibleng makaapekto ang insidenteng ito sa tsansa ni Binay na makapasok sa Magic 12.
Ayon sa kanilang analysis, bagama’t may positibong pananaw ang publiko sa kanyang pamumuno sa Makati, binabalanse umano ito ng lumalakas na negatibong sentimyento bunsod ng kanyang mga komentaryo laban sa ibang pulitiko.
Dagdag pa ng grupo, ang pagtutok ng publiko sa mga isyu ng political dynasty, motibo sa kampanya, at pakikisangkot ni Binay sa mga kontrobersyal na pahayag ay maaaring maging hadlang sa kanyang tagumpay ngayong eleksyon.
Sa kabila ng 40% positive sentiment sa social media tungkol sa kanyang trabaho bilang alkalde, tila nababalewala ito ng mga bumabatikos sa kanyang umano’y estilo ng pamumulitika.