Isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga empleyadong nakararanas ng stress, anxiety, depression o labis na kalungkutan, ayon sa AXA Mind Health report.
Halos pito sa bawat sampung Pilipino ang apektado ng mga isyung ito, na pangunahing dulot ng kawalan ng katiyakan sa usaping pinansiyal at trabaho.
Maraming manggagawa ang nawawalan ng pag-asa para sa hinaharap, naapektuhan ng negatibong balita at alalahanin sa pagbabago ng ekonomiya.
Mas matindi ang epekto sa mga nasa edad labingwalo hanggang tatlumpu’t apat, na mas madalas makaranas ng malubhang sintomas ng mental health issues.
Nanawagan ang mga eksperto sa mga employer na palakasin ang suporta sa mental health sa mga opisina upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.
—sa panulat ni Jasper Barleta