Personal na nananawagan sa Korte Suprema ang pamilya at mga taga-suporta ni Mary Jane Veloso na pabilisin ang pagdinig sa kaso laban sa kanyang mga recruiter para makapagsumite na siya ng testimonya bilang biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Kasama ng pamilya ang National Union of People’s Lawyers upang hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na payagan ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong, kung saan kasalukuyang nakakulong si Veloso.
Nabatid na kinasuhan ang mga recruiter ni Veloso na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao sa Regional Trial Court Branch 89 sa Nueva Ecija ng human trafficking, illegal recruitment, at estafa; at si Veloso ang pangunahing testigo at biktima sa naturang kaso.
Samantala, dismayado naman ang Migrante International dahil nababagalan sila sa pag-usad ng kaso matapos ang sampung buwan ng pagkakakulong ni Veloso sa Pilipinas; at nananawagan sila sa pamahalaan na isaalang-alang ang apela para sa executive clemency sa makataong dahilan.
Hiniling din ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na igawad na niya ang executive clemency para tuluyan nang makalaya ang kanyang anak at makapiling na sa Pasko.





