Dismayado ang mga mambabatas sa Kamara sa naging resulta ng botohan ng Senate Impeachment Court kaugnay sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y matapos makakuha ng 19 na botong pabor, 4 tutol, at 1 abstain, sa mosyon para i-archive ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Para kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, nakakahiya ang naging hakbang ng Senado dahil mas pinili nilang isuko ang kanilang kalayaan at kusang talikuran ang kanilang mandato sa Konstitusyon.
Aniya, ang desisyon ng Impeachment Court na i-archive ang impeachment trial ng Pangalawang Pangulo ay isang pagtataksil sa Konstitusyon at sa kagustuhan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.
Para naman kay Rep. Chel Diokno, mas mainam sana kung hinintay nalang ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration na inihain ng Kamara bago gumawa ng aksiyon.
Malinaw aniya ang pagnanais ng Senado na patayin ang articles of impeachment at ibasura ang pananagutan ng mataas na opisyal ng gobyerno.
Samantala, nanindigan naman si House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na hindi pa tapos ang laban ng House panel.
Aniya, hindi magpapatinag ang prosecution para sa hangaring itaguyod ang hustisya at pananagutan.
Sinabi ni Chua, na ang hakbang ng nakararaming senador ay pagkakait ng due process sa taumbayang humihiyaw ng pananagutan.
Iginigit ng prosecutor, na maaaring naantala nito ang pag-asa para sa pananagutan at hustisya, ngunit hindi nito natapos ang kanilang laban sa impeachment trial.