Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) ang isang shabu laboratory sa Zambales.
Isinagawa ang nasabing operasyon sa pangunguna ng PDEA NCR at Region 3 kasama ang mga operatiba ng PNP CIDG – Zambales, PNP maritime group at kinatawan mula sa subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Finback street sa nasabing lugar dakong ala una kaninang umaga.
Kinilala ng PDEA ang mga naaresto na sina Plt. Reynato Basa Jr; P/Cpl. Gino Dela Cruz; P/Cpl. Edesyr Alipio; P/Cpl. Godfrey Parentela at ang sibilyang si Jericho Dabu.
Nakuna mula sa kanila ang humigit kumulang 300 gramo ng hinihinalang shabu, samu’t saring smart phones na posibleng ginagamit ng grupo sa kanilang transaksyon, iba’t-ibang kagamitan sa paggawa ng shabu, service firearms ng 3 pulis, isang Honda Civic na posibleng ginagamit na getaway vehicle at ang boodle money na ginamit sa operasyo.
Ayon kay NPD Director P/Bgen. Eliseo Cruz, nabatid na isang Canadian national na nagngangalang Timothy Hartley ang siyang nagmamay-ari ng bahay kung saan naroon ang shabu laboratory at kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga awtoridad.
Dahil dito, mahaharap ang mga nasakote sa patumpatong na kaso na may kinalaman sa kanilang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)