Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group o PNP-ACG ang 31 indibidwal na sangkot sa investment scam sa Pasig City.
Ayon sa mga otoridad, kanilang sinalakay ang isang call center firm sa nabanggit na lungsod matapos mapag-alaman na nambiktima ang mga suspek ng mga British at Australian National.
Sa naging pahayag ni PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., ikinasa ang raid matapos magreklamo ang mga dayuhan na biktima ng pekeng transaksiyon.
Kabilang sa mga naarestong suspek, ang may-ari ng call center firm na nag-ooperate at nanghihikayat ng mga dayuhan para mag-invest sa kanilang pension plan kung saan, sakaling magtransfer ng pera ang mga biktima, tsaka ito ililipat ng may-ari sa ibat-ibang accounts.
Kasalukuyan na ngayong iniimbestigahan ang mga suspek sa tanggapan ng PNP-ACG sa Camp Crame at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 o Computer Related Fraud; Section 5 o Aiding or Abetting in the Commission of Cybercrime sa ilalim ng Republic Act (RA) 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.