Dinis-armahan na ng Manila Police District Station 6 sa Santa Ana Maynila ang dalawa (2)nilang pulis na umano’y nangotong sa isang driver.
Ayon kay MPD Station 6 Commander Superintendent Jerry Corpuz, agad niyang kinumpiska ang mga tsapa at baril nina PO2 James Rivera at PO1 Dennis Diaz nang mag-duty sila kagabi.
Isinailalim na rin, aniya, sa restrictive custody ang mga umano’y nangotong na pulis kay Jun Porcari na truck driver ng Christ the King College sa Calbayog City, Samar.
Pauwi umano sina Porcari at ilang pastor na nakasakay sa truck matapos tumugtog sa World Apostolic Congress of Mercy nang harangin sila ng police mobile sa Osmeña kanto ng Pedro Gil.
Nang tanungin umano ni Porcari kung ano ang naging traffic violation, sumagot ang mga pulis na 5,000 Piso ang multa.
Naging 2,000 Piso umano ang naturang multa nang tumawad ang driver.
By: Avee Devierte / Aya Yupangco