Aabot sa 1,000 mga laptop ang ipinamahagi ng Quezon City Government para sa mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya ng lungsod.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, namahagi din sila ng 50 laptop sa Child Development Workers (CDW), para naman sa mga pampublikong daycare center.
Bukod pa dito tumatanggap din ng buwanan at quarterly allowance ang mga pampublikong guro mula sa pamahalaang lungsod habang nasa mahigit 450,000 na mag-aaral naman, ang nakatanggap ng mga gamit pang-eskwela mula pa noong nagsimula ang face-to-face classes.
Sinabi pa ng Alkalde na namahagi din ang Lungsod ng 96,440 storybooks; 710,371 learning and teaching kits; 6,875,846 modules; at 430,438 hygiene kits para sa mga public school learners.
Iginiit ni Belmonte na mahalaga ang edukasyon kaya patuloy nilang susuportahan ang mga paaralan mula sa mga mag-aaral hanggang sa mga guro.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang QC LGUs sa City Schools Divisions Office (SDO) at Social Services Development Department (SSD) para masigurong sapat ang suportang ibinibigay sa mga guro at mga mag-aaral.