Umaabot sa mahigit 1,500 mga motorcycle riders ang nakiisa sa ikinasang unity ride para sa kampanya kontra polio sa Quezon City ngayong Linggo, Oktubre 27.
Pinangunahan ito ng Rotary Club of Bagong Sandigan sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Rotary District Governor at Bagong Henerasyon representative Bernadette Herrera-Dy, ginamit din nilang pagkakataon ang unity ride para bigyang pagkilala ang matagumpay na pagbibigay bakuna kontra polio sa 250,000 mga batang may edad limang taon, pababa.
Aniya, maituturing na milestone ang nabanggit na vaccination program.
Sinimulan ang unity ride mula Quezon Avenue, patungong Elliptical road at nagtapos sa St. Peter church sa Commonwealth Avenue.