Inulan ng batikos mula sa mga netizen si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian matapos ang kaniyang social media post bilang tugon sa reklamo ng isang solo parent ID applicant na umano’y nakaranas ng hindi patas na pagtrato habang inaasikaso ang kaniyang solo parent ID na halos tatlong buwan na ngunit hindi pa rin ito nakukuha.
Nag-viral sa social media ang video ng social media user na “Isang Gunting Isang Suklay,” na kinilala ni Gatchalian bilang si Amanda. Sa video, ipinahayag nito ang pagkadismaya sa matagal na proseso at inireklamo ang umano’y diskriminasyon dahil sa pagiging bahagi ng LGBTQIA+ community.
Sa unang tugon ng alkalde, humingi siya ng paumanhin sa mga umano’y mapanlait na komento na narinig ng residente at sinabing hindi tama ang ganitong pagtrato. Nangako rin siyang aalamin ang nangyari sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng kaniyang staff sa residente at sa City Social Welfare and Development Office (CSWD).
Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Gatchalian na naantala umano ang aplikasyon dahil sa mga kulang na dokumento, kabilang ang valid ID at patunay ng relasyon ng aplikante sa mga batang kaniyang inaalagaan.
“July 22, 2026 ka nag-apply. Hindi kumpleto ang requirement mo. Photo ID nga ay wala ka,” ani Gatchalian.
Ayon sa alkalde, kulang ang mga dokumentong isinumite ni Amanda upang patunayan ang kaniyang legal na ugnayan sa kaniyang mga pamangkin.
“Nasa akin po ang ID niyo. Pumunta ka na lang sa office para i-claim,” dagdag pa niya.
Gayunman, may mga netizen ding bumatikos sa naging tono ng tugon ng alkalde sa comment section ng kaniyang post at tinawag itong hindi propesyonal.
Kinuwestiyon din ng ilan kung kailangan pa bang mag-viral ang reklamo ng isang residente bago maaksyunan ng kinauukulang tanggapan.

