Pinag-iisipan na ng Senate Majority Bloc ang paghahain ng resolusyon para kondenahin ang umano’y mapanlaban at nagbabantang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Ang inihahandang resolusyon ay nagpapakita ng pagtutol ng mga senador sa mga pahayag na itinuturing nilang nagbabanta sa ugnayan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Senador JV Ejercito, napag-usapan na ng mga senador ang usapin at inaasahang pormal na ihahain ang resolusyon sa muling pagpapatuloy ng sesyon ng Senado.
Iginiit ng senador na hindi diplomatiko ang mga pahayag ng Chinese ambassador at maituturing na banta, lalo na ang pahayag umano na kayang talunin ng China ang Pilipinas kung gagamit ito ng puwersa. | Sa panulat ni Jordan Gutierrez

