Nagiging insecurity para sa ilan, partikular na sa mga kalalakihan, ang pagiging maliit dahil naaapektuhan nito ang kanilang self-confidence. Pero ang teenager na ito sa China, nabigyan ng pagkakataon na tumangkad sa pamamagitan ng pagbabayad ng treatments. Pero dalawang linggo lang ang lumipas, bumalik din ang dati nitong height.
Talaga nga bang wala nang tyansa na tumangkad pa ang isang tao o sadyang hindi lang epektibo sa bata ang treatment? Ang katotohanan, eto.
Pebrero ngayong taon nang sumailalim ang 16-year-old na lalaki mula sa China sa body lengthening treatment para pataasin pa ang kaniyang height na 165 centimeters o 5 flat 5 inches.
Anim na buwan ang itinagal ng treatment sessions, at pagdating ng august, nadagdagan ng 1.4 centimeters ang height ng binata at naging 166.4 centimeters na.
Ayon sa ulat, linggo-linggong sinasamahan ng tatay ang kaniyang anak sa ospital para sa treatment. Pero nang hindi ito nakapunta sa loob ng dalawang linggo, bigla na lang bumalik ang dating height ng binatilyo.
Dahil dito, agad na nagtungo ang tatay sa ospital para magreklamo. Ang ospital, ibinalik ang pera na ibinayad ng mag-ama.
Inamin din nito na hindi na tatalab ang treatment dahil hindi na pala angkop ang edad ng binata para rito. Ikinadismaya naman ito ng tatay dahil hindi man lang sila inabisuhan ng ospital bago pa nagsimula ang sessions.
Ayon sa ospital, ang mga buto sa tuhod ng mga pasyente ang tinatarget ng treatment, lalo na at kabilang dito ang stretching.
Pero ayon sa endocrinologist mula sa Peking Union Medical College Hostpital na si Wu Xueyuan, maaaring makatulong ang pagse-stretching para tumangkad ang isang tao pero hindi ito permanente.
Samantala, nilinaw niya na walang scientific proof na nakakapagpatangkad ang pwersahang pagii-stretch ng mga buto. Dagdag pa ni Wu, habang bata pa ay matulog na sa tamang oras at mag-exercise para sa mas mataas na tyansa na tumangkad sa pagtanda.
Ikaw, insecurity mo ba ang height mo? Kung ganon, gagawan mo pa ba ito ng paraan o tatanggapin mo na lang talaga?