Nagpahayag ng pakikiisa si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo sa mga pangunahing opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa mariing pagkondena sa brutal na pagpaslang kay Ramon Lupos, isang lider ng katutubong Teduray, at nanawagan ng mabilis na hustisya para sa kanyang pagkamatay.
Nabatid na si Lupos, 60 taong gulang, ay natagpuang pugot ang ulo sa kanyang kubo sa Barangay Limpogo, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong Setyembre 30. Isa umano siya sa natitirang lider ng mga katutubong hindi Moro o non-Moro IPs sa nasabing lugar.
Pahayag ni SAP Lagdameo, patuloy ang suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kapayapaan at sa proteksyon ng mga nasa laylayang komunidad sa rehiyon ng Bangsamoro tulad ng mga Indigenous People Group.
“Our President envisions a society that prioritizes not only peace but also the human rights of every Filipino. This is a testament to our united desire for these goals,” pahayag ni Lagdameo bilang bahagi ng misyon ng pamahalaan para sa normalisasyon at hustisya sa BARMM.
Kasabay nito, kinondena ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang insidente, at tinawag itong isang “paglapastangan sa kapayapaan, katarungan, at dignidad ng mga tao.”
Aniya, patuloy pa ring nararanasan ang mga pang-aabuso sa mga non-Moro IPs sa rehiyon at nangakong mananagot ang mga responsable sa nasabing krimen.
“As we honor the life of Mr. Ramon Lupos, we reaffirm our solemn commitment that justice will be relentlessly pursued, not only for him and his family, but for all Indigenous Peoples who long for peace, dignity and protection in our homeland,” saad ni Macacua habang inaatasan ang mga awtoridad na magsagawa nang mabilis at malawakang imbestigasyon.
Giit ng Climate Conflict Action (CCA), isang independent conflict monitoring group, si Lupos ang ika-102 na non-Moro IP na pinaslang mula nang itatag ang BARMM noong 2019. Dagdag pa ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Froilyn Mendoza, si Lupos ay ika-20 na miyembro ng non-Moro IPs na pinatay sa bayan ng Datu Hoffer mula pa noong taong 2000.
Kaya nagbabala ang CCA na ang mga pagpatay na ito ay hindi basta-basta lamang at bahagi ng isang sistematikong karahasan, isang “malademonyong hakbang para maghasik ng takot, paalisin ang mga Teduray sa kanilang lupaing ninuno, burahin ang kanilang pagkakakilanlan, at humantong sa panibagong siklo ng paghihiganti.”
Sinasabing sa ngayon, wala pang pangunahing suspek ang pinapangalanan kaugnay ng krimen at nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ukol dito.