Magpapasaklolo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara at Senado upang humiling ng karagdagang emergency fund para sa mabilis na pagtugon ng gobyerno sa mga kalamidad.
Ayon kay Pangulong Marcos, agad siyang hihingi ng suporta mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso matapos na personal na makita ang sitwasyon sa Masbate na sinalanta ng Bagyong Opong at sa Cebu na niyanig naman ng 6.9 magnitude na lindol.
Paliwanag ng Pangulo, paubos na ang quick response fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan matapos itong magamit sa pagtugon sa serye ng mga bagyong humagupit sa bansa.
Dahil dito, kinakailangan na anya ang dagdag na pondo upang matiyak na tuloy-tuloy ang tulong at agarang rehabilitasyon para sa mga naapektuhang komunidad.