Mariing tinutulan ni Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila De Lima ang suhestyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na i-adopt na lang ang 2026 National Expenditure Program upang maiwasan ang mga sinasabing “insertions” sa pambansang budget.
Ayon kay Rep. De Lima, nauunawaan niya kung saan nanggagaling si Sen. Lacson lalo’t malubha ang korapsyon sa national budget pero hindi maaaring idaan sa eksperimento ang pera ng taumbayan.
Paliwanag ng kongresista, nasa Kamara ang power of the purse at kapag hindi nila sinuri ang panukalang budget ay malinaw na tinalikuran na rin ng mga mambabatas ang mandato ng Konstitusyon.
Naniniwala ang mambabatas, na hindi ito ang tutugon sa problema at maaaring magtakda ng mapanganib na “precedent” kung saan posibleng magamit na dahilan ang hakbang kung may tiwaling pangulo at magiging sunud-sunuran ang dalawang kapulungan.
Para sa lady solon, ang kailangang gawin ay busisiin mabuti ang pambansang pondo; panagutin ang mga sangkot sa maaanomalyang proyekto; at tiyaking mapoprotektahan ang kaban hanggang sa bicameral conference committee level at implementasyon ng government agencies.
—sa panulat ni Jasper Barleta