Sinuspinde ng Land Transportation Office ang driver’s license ng isang rider sa loob ng 90-araw matapos mag-viral sa social media ang video nitong sumasayaw sa ibabaw ng kaniyang motorsiklo habang nakahinto sa trapiko sa isang pampublikong kalsada.
Batay sa paligid na ipinakita sa video, lumilitaw na kinuha ito malapit sa kanto ng Osmeña Highway at Senator Gil J. Puyat Avenue sa Makati City.
Ayon kay LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, naglabas na sila ng show cause order laban sa naturang rider at sa may-ari ng motorsiklo bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugisin ang mga pasaway na motorista.
Batay sa show cause order na pirmado ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, inaatasan ang rider na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat ituring na “improper person to operate a motor vehicle,” na may pinakamabigat na kaparusahan na tuluyang pagbawi ng lisensya.
Itinakda ang pagdinig sa Agosto a-bente at inutusan ang rider na isuko ang kanyang driver’s license bago o sa mismong araw ng hearing.