Ibinunyag ng Department of Justice na nakatanggap sila ng mga impormasyong naareglo na ang ilang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero upang umatras sa kaso.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, napag-alaman nila na ilan sa mga complainant ang nakipagkasundo o nakipag-areglo na lamang.
Bagaman hindi pa tiyak kung totoo ang naturang impormasyon, patuloy pa rin aniya ang kanilang pag-iimbestiga at pagsasampa ng mga karagdagang kaso.
Binigyang-diin pa ni Secretary Remulla na hindi siya papayag na pera-pera na lamang ang manaig patungkol sa isyu at dapat managot sa batas ang mga salarin.
Samantala, tikom pa rin ang bibig ng kalihim kung magkano ang sinasabing areglo na ibinigay sa bawat pamilya o mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.