Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Junior na kaya pang gawin na zero percent o walang taripa ang ipapataw ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo ang pahayag bago siya lumipad papuntang Washington upang makipag-usap kay U.S. President Donald Trump tungkol sa nasabing tariff rate.
Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na handa ang bansa na hindi lagyan ng taripa ang ilang produktong Amerikano bilang isa sa mga paraan upang mapababa o ipawalang-bisa ang bente-porsyentong taripa na ipinataw ng Trump administration sa bansa.
Matatandaang nauna na sa Amerika ang delegasyon ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go at Trade and Industry Secretary Cristina Roque upang simulan ang mga usapin sa pagitan ng dalawang pinuno.
Isa sa mga naiisip na proposal ng economic czar ang pagkakaroon ng free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Inaasahang babalik din ang Pangulo sa bansa matapos ang ilang araw bilang paghahanda sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address sa susunod na linggo.