SA gitna ng pagtalakay muli ng Kongreso sa epekto ng online gaming sa lipunan at ekonomiya ng bansa, nagbabala si Abra Rep. Joseph “JB” Bernos laban sa posibleng ganap na pagbabawal ng mga online gambling platform.
“Ang total ban sa online gaming ay maaaring ‘di sinasadyang lalong magpapalakas sa pag-usbong ng mga underground at illegal na aktibidad sa pagsusugal sa internet,” giit ng mambabatas mula Abra.
Iginiit ni Bernos, dating naging chair ng House committee on games and amusements at vice chair ng national defense panel noong ika-18 Kongreso, na mas mainam ang regulasyon kaysa sa tuluyang pagbabawal.
“Pinakita na ng kasaysayan na ang pagbabawal sa isang tanyag ngunit kontrobersyal na aktibidad ay hindi nangangahulugang mawawala ito – bagkus ay mapupunta ito sa mga tagong lugar kung saan walang pananagutan, walang regulasyon,
at mas mapanganib para sa ating mamamayan,” dagdag pa niya.
Nilinaw ni Bernos na ang tuluyang pagbabawal sa online gaming, kabilang ang mga lisensyadong e-casinos, e-bingo, at iba pang internet- based wagering platform ay magbubukas ng pinto sa mga hindi lisensyadong operasyon na mas mahirap bantayan at parusahan.
“Dapat lang tayong maging makatotohanan. Ang demand para sa online games of chance ay totoo, lalo na sa mga nakatatanda. Kapag ipinagbawal natin ang mga lehitimong platform, mawawala ang kakayahan ng gobyerno na bantayan at kontrolin ang pagsusugal – kasabay ng pagkawala ng potensyal na kita. Mas malala, bibigyan natin ng puwang ang mga illegal syndicates na hindi naaabot ng ating batas,” diin ni Bernos.
Dahil parte ng kanyang trabaho sa games and amusements panel noon, isinusulong ni Bernos ang mas matibay na regulatory framework na nagtataguyod ng proteksyon sa mga konsyumer habang pinapalago rin ang kita ng estado. Hinikayat din niya ang mga awtoridad at gaming regulators na mag-invest sa cybersecurity at anti-money laundering systems upang maprotektahan ang mga online gaming platform.
“Kung nais nating protektahan ang mga bulnerableng sektor – lalo na ang kabataan at mga low-income earners – mas mainam na higpitan ang regulasyon sa online gaming sa halip na ipagbawal ito ng tuluyan,” aniya.
Kung maaalala, sa mga nakalipas na linggo, ilang mambabatas ang naghain ng panukalang batas na naglalayong higpitan o tuluyang ipagbawal ang online gaming, dahil sa mga isyung panlipunan, kriminalidad, at adiksyon.
Pero para kay Bernos, kinakailangan ng mas masusing pagsusuri at batay sa ebidensya ang dapat maging batayan ng polisiya.
“Huwag nating kalimutan: ang mga platform na ito, kapag maayos na binabantayan, ay lumilikha ng trabaho, sumusuporta sa local tech infrastructure, at nagbibigay ng kita sa gobyerno. Ang problema ay nasa kakulangan sa pagpapatupad at mahinang regulasyon – hindi sa buong industriya,” pagtatapos ni Bernos.
Nabatid na posibleng magkasa ng karagdagang pagdinig ang House of Representatives ukol sa mga polisiya sa online gambling sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa loob ng dalawang linggo.