Epektibo na ang kautusan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na itigil ng mga social media influencer at content creator ang pagpo-promote ng illegal online gambling.
Kasunod ito ng ibinabala ng Philippine Amusements and Gaming Corporation sa lehitimong online gambling platform na tanggalin ang kanilang mga billboard advertisements.
Sinabi ni CICC Deputy Executive Director Assistant Secretary Renato Paraiso, na padadalhan na nila ng “notice to explain” sa Lunes, Hulyo 14, ang mga hindi susunod na influencer at content creator.
Maaaring ipadala anya ang notice sa pamamagitan ng email address na naka-rehistro sa kanilang mga social media channel, ngunit inaalam na rin ng CICC ang posibilidad na personal itong ihatid sa kanilang mga tahanan.
Dagdag pa ng CICC official, na may sapat na silang tala at dokumentasyon kung sinu-sinong influencers ang aktibong nagpo-promote ng illegal online gambling, at kanilang uunahin ang dalawampung kilalang influencers. - sa panulat ni Jenn Patrolla