Pormal nang isinumite ng Commission on Human Rights sa Department of Education ang “Karapatang Pantao 101” module upang isulong ang human rights education sa mga paaralan.
Ito ay matapos makipagpulong si Human Rights Commissioner Beda Epres kay Education Secretary Sonny Angara para talakayin ang suporta ng CHR sa mga inisyatiba ng DepEd para sa karapatan ng mga mag-aaral.
Ang naturang module ay ginawa sa tulong ng IDEALS at Catholic Educational Association of the Philippines, at layuning isama ang prinsipyo ng karapatang pantao sa K-to-12 curriculum.
Tutulong din ang CHR sa pagsasanay ng mga guro sa human rights-based teaching.
Layunin ng inisyatibang ito na palalimin ang kaalaman ng mga estudyante sa karapatang pantao at turuan silang makilala, itaguyod, at iulat ang mga paglabag dito.