Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang local Water Utilities Administration na imbestigahan ang kawalan ng supply ng tubig sa ilang pampublikong paaralan sa bansa.
Kasunod ito ng ginawang pag-iinspeksyon ng pangulo sa dalawang paaralan sa bulacan kung saan napuna niya ang kondisyon ng mga palikuran na walang supply ng tubig.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, binibigyan lamang ng 48 hours ng LWUA para magsumite ng report sa pangulo kaugnay sa problema.
Nais aniyang malaman ni Pangulong Marcos kung sino ang dapat na panagutin kung bakit walang water supply at kung paano ito maibabalik bago magsimula ang klase sa susunod na linggo.
Batid ng Palasyo na ang pamahalaan ay may pananagutan hindi lang sa mga mag-aaral kundi sa mga magulang na umaasa sa gobyerno.
Dagdag pa ni Usec. Castro, dapat matiyak ang maayos na pasilidad sa mga paaralan na pundasyon ng ligtas, epektibo, at maayos na edukasyon.
—ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)