Iginiit ni incoming Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima ang kahalagahan na matuloy ang impeachment trial ng senado kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng mga “bulung-bulungan” na hindi uusad at “dead on arrival” na sa Senado ang impeachment laban sa Bise Presidente.
Ipinaalala ni De Lima, na isa sa magsisilbing house prosecution team sa pagpasok ng 20th congress naang impeachment trial ay parte ng constitutional process.
Aniya, anumang pag-abandona sa proseso ay pag-abandona sa taumbayan na naniniwala pa rin sa pangakong hustisya.
Idiniin pa ng incoming Congresswoman, na kung talagang walang sapat na batayan ang mga akusasyon laban sa bise presidente, ang mga ebidensiya mismo ang magpapakita nito, hindi ang mga tsismis, hindi ang takutan, at lalong hindi ang numero sa survey.—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)