Pinaiimbestigahan ni senator Imee Marcos sa senado ang sinasabing talamak pa rin na korapsyon at iregularidad sa loob ng Bureau of Immigration partikular sa proseso ng pagpapalawig ng tourist visas ng mga dayuhan.
Sa inihaing resolusyon ni senator Marcos nakasaad na dumarami ang mga ulat at reklamo mula sa mga dayuhan at iba pang stakeholders ukol sa talamak na lagayan, pang-aabuso, at mabagal na proseso sa loob ng ahensya.
Isa na rito ang paniningil umano ng halagang Php 15,000 hanggang Php 70,000, depende sa haba ng pananatili ng dayuhan sa bansa, batay sa inilantad na “price menu” ni dating Associate Commissioner ng BI, Atty. Gilberto Repizo.
Giit ng senador hindi puwedeng ginagawa nilang negosyo ang serbisyong para sa mga dayuhan.
Nasisira anya ang tiwala sa ating pamahalaan at pati ang imahe ng Pilipinas bilang destinasyon para sa mga turista. Nakababahala aniya ang mga bagong ulat na patuloy pa rin ang ganitong sistema sa kabila ng mga naunang hakbang.
Maging ang Department of Justice at Department of Foreign Affairs ay nagpahayag aniya ng pangangamba at nananawagan ng reporma sa sistema ng pagproseso ng mga bisa.
Giit ni senator Marcos kailangan nang busisiin ang mga iregularidad, panagutin ang mga sangkot, at magsulong ng mga batas upang matiyak na tapat, mabilis, at makatao ang serbisyo ng Bureau of Immigration.