Balik muli sa pagtugis sa maliliit na supplier at pusher ng iligal na droga ang operasyon ng pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maliban sa pagpapatuloy ng pagsawata sa malalaking operasyon ng iligal na droga, muli silang bababa sa mga kalsada o kalye at iskinita laban sa iligal na droga.
Tumutok anya sila sa malalaking sindikato at drug bust operations nitong mga nagdaang taon, subalit sinasabing lumakas naman ang bentahan sa maliliit na lansangan.
Dahil dito, ipinunto ng presidente na palalakasin muli ang mga operasyon laban sa mga pusher.
Binigyan-diin pa ng Pangulo na magiging bahagi ng pagsasagawa ng pagpapatrolya ng mga pulis ang pagbabantay laban sa mga tulak ng iligal na droga sa maraming komunidad.
Aminado naman ang Pangulo na sadyang mahirap masugpo ang mga sindikato ng iligal na droga sa bansa, lalo pa’t malaking pera aniya ang pinagagalaw rito.
Maging ang mga pulis aniya, lokal na pamahalaan o LGUs at mga huwes o prosecutors ay nabibili ng mga sindikato.—sa panulat ni Kat Gonzales