Tila double celebration ang nangyari sa isang pamilya sa Texas dahil ilang araw bago ang mother’s day, nakasabay pa ng anak ang kaniyang nanay na magtapos sa pag-aaral.
Kung ano ang naging reaksyon ng anak sa muling pag-aaral ng kaniyang nanay, eto.
Kung ang ibang anak ay posibleng umapela kapag nalaman nila na mag-eenroll ang kanilang mga magulang sa kaparehong unibersidad kung saan sila nag-aaral, ibahin niyo ang 22-anyos na si Kyle Fields mula sa Texas Christian University.
Dahil si Kyle, na-excite raw nang malaman na muling mag-aaral ang kaniyang nanay.
Na-inspire rin daw siya sa kasipagan nito kapag nakikita niya na gumagawa ito ng homework kapag umuuwi ito galing sa trabaho.
Ayon naman sa nanay ni Kyle na si Brandi Fields, suportado raw nila ni Kyle ang isa’t isa sa paggawa ng kanilang school work at magkasama na tinapos at nilagpasan ang kaniya-kaniya nilang mga deadlines.
Inamin naman ni Brandi na naging challenging para sa kaniya ang pagbabalik-eskwela matapos ang mahabang panahon, pero nakakagaan daw ng loob na matuto kasabay ng mga kapwa niya experienced professionals.
Ni minsan daw ay hindi rin sumagi sa isip niya na mararanasan ng kanilang pamilya ang ganoong klase ng achievement, lalo na at nangyari pa ito sa mother’s day weekend.
Samantala, nagtapos naman si Kyle sa kaniyang master’s sa liberal arts, habang executive master of business administration naman ang kay Brandi.
Ikaw, matutuwa ka rin kung malalaman mo na makakasama mo sa isang university ang mga magulang mo?