Isa na namang sunog ang naitala dahil sa powerbank! Pero sa pagkakataon na ito, sa isang airport naman sa Estonia nangyari ang insidente.
Kung ano ang mga sumunod na pangyayari, eto.
Sa isang video, makikita ang isang maliit na maleta na nakapatong sa isang mesa. Kung titingnan ay tila isa lang itong tipikal na bagahe pero bigla na lang itong naglabas ng usok at hindi nagtagal ay bigla na lang nagliyab.
Nangyari ito sa tallinn international airport sa Estonia.
Katatapos lang daw dumaan ng maleta sa security nang mangyari ang insidente.
Mabuti na lang at mayroong nakaantabay na airport staff kung kaya agad na naapula ang apoy gamit ang fire extinguisher.
Matapos nito ay sinuri ang maleta at napag-alaman na mayroon itong laman na powerbank.
Ayon naman sa pahayag ng Tallinn Airport, tinawag pa nila itong ‘lucky accident’ dahil nataon na sumabog ito bago pa maikarga sa eroplano.
Matatandaan na kamakailan lang ay naging sanhi ng sunog sa isang Korean aircraft ang isang powerbank na nakapaloob sa isang bagahe na inilagay sa overhead bin.
Samantala, ayon sa mga eksperto, ginagamitan ang mga powerbank ng lithium-ion batteries na mabilis magliyab lalo na kung mayroon itong defect o damage.
Ikaw, magiging mas maingat ka na ba sa paggamit ng powerbank matapos marinig ang sunud-sunod na insidente dahil sa mga ito?