Natuklasan na nagkaroon umano ng sharp increase o pagtaas sa insidente ng kidnapping, robbery at iba pang uri ng krimen sa ilang bahagi ng Makati City sa kabila nang pagkakaroon ng P240 milyon confidential funds ni Mayor Abby Binay.
Nitong 2022 at 2023, sinasabing nakapaglaan ang Makati City Council ng halagang P240 milyon kada taon para sa confidential funds na maaaring gamitin ni Binay sa peace and order programs (POPs) na susugpo sa kriminalidad alinsunod sa itinakda ng batas.
Subalit sa kabila nang pagkakaron ng confi funds kada taon, tumaas naman o nagkaroon ng sharp increase sa insidente ng kriminalidad sa ilang bahagi ng Makati City na lubha umanong ikinababahala ng mga residente sa Salcedo Village.
Batay sa liham ng samahan, umapela sila kay Binay na tugunan ang anila’y tumataas na bilang ng kriminalidad sa kanilang komunidad kasunod ng “sharp increase” sa krimen tulad ng snatching, hold-ups at kahit kidnapping incidents na iniulat sa nakalipas na siyam na buwan ng 2024.
Nadiskubre pa na sa liham kay Binay noong Oktubre 2024, tinukoy ng kinatawan ng Salcedo Village residents ang lumalala umanong sitwasyong pang-seguridad na sinuportahan ng crime statistics mula sa Barangay Bel-Air.
“The data revealed that, while Barangay Bel-Air’s total monthly crimes increased by 8 percent from 2023 to 2024, Salcedo Village alone saw a 17 percent rise in incidents during the same period — more than double the average rate of surrounding environs,” ayon sa liham.
“Alarmingly, the area accounts for 71 percent of all crimes in the barangay,” saad pa nito.
Binanggit pa ng residente sa liham ang ilang sunod-sunod na insidente na kinasasangkutan umano ng riding-in-tandem, kabilang ang isang lalaki na nakasuot ng Angkas uniform na humoldap sa isang pedestrian, ninakaw ang pera at isang cellphone.
“Restaurant-goers and pedestrians have also been frequent targets of violent and economic crimes,” ayon sa residente.
Samantala, noong Mayo 4, 2025, pinasok ng tatlong armadong kalalakihan ang Izakaya Kojiro sa Pasay Road, Makati City kung saan nakakulimbat sila ng pera, alahas at cellphone base sa kumalat na video sa social media.
Batay naman sa pinakahuling audit report ng COA, natuklasan na top spender si Mayor Binay sa 17 local chief executives sa Metro Manila na umabot sa magkasanib na P480 milyon ang ginastos sa POPs sa dalawang magkasunod na taon, 2022 at 2023.
Sinasabing nakita rin sa COA audit report na gumastos naman ng P120 milyon ang lungsod ng Maynila nitong 2022 at 2023 na kahit pangalawa sa pinakamayamang lungsod; at pumangatlo ang Quezon City na umabot lamang sa P100 milyon ang ginamit sa confidential funds kahit ito ang may pinakamalaking land area at populasyon at pinakamayaman na may P448.51 bilyon total assets.
Sa Joint Circular No. 2015-01 na ipinalabas ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at Governance Commission for GOCCs (GCG), kabilang ang local government units na direktang gagastusin ang confidential funds sa POPs.
Nabatid na limitado ang paggastos sa crime prevention and law enforcement activities; capability development for personnel of law enforcement agencies and volunteers; at programa laban sa illegal drugs, illegal gambling, counter insurgency, smuggling, human trafficking, illegal fishing, unlicensed mining at illegal logging operations.