Binawi ni Sub-Committee on BBL Chairman Migz Zubiri ang kanyang inihaing bersyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito, aniya ay matapos siyang tawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para tiyaking matatalakay at matututukan ng Senado ang panukalang BBL.
Ayon kay Zubiri, kaharap ng Pangulo ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang tawagan siya nito noong Lunes.
Paliwanag ni Zubiri, nagdadalawang-isip ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) na lumahok sa pagdinig ng Senado dahil hindi nila bersyon ang inihaing panukala.
Samantala, target Zubiri na maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang panukalang BBL bago mag-break ang sesyon ng Kongreso sa Marso.
Ayon kay Zubiri, sinang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kahilingan na sertipihan nito bilang urgent ang BBL.
Dagdag pa ni Zubiri, muling magsasagawa ng public hearing ang Sub-Committee on BBL sa Enero 23 kung saan inimbitahan ang mga miyembro ng gabinete at Bangsamoro Transition Commission.
Susundan naman aniya ito ng pagdinig sa Mindanao partikular sa cotabato at Marawi City sa Enero 25 at 26.
Habang posibleng itakda din ang mga pagdinig sa BBL sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa susunod na buwan.