Ika nga nila, take advantage of your strength. Ganyan ang ginawa ng isang yoga master mula sa South Korea na talagang ginamit ang kaniyang flexibility para makatakas sa kulungan sa pamamagitan ng pagdaan sa napakakipot na butas.
Kung paano ito ginawa ng lalaki, eto.
Limang araw na nakulong sa isang police station sa Daegu, South Korea ang yoga master na si Choi Gap-Bok dahil sa hinalang pagnanakaw.
Pero maniniwala ka ba na isang araw habang nasa piitan ay nakatakas si Choi sa pamamagitan ng paglusot sa food slot, o ‘yung makitid na butas sa ibabang bahagi ng mga rehas kung saan inilulusot ang pagkain ng mga detainee.
Para maging smooth ang pagdaan ni Choi sa maliit na butas, nagpahid ito ng skin ointment sa kaniyang upper body.
Ayon sa local media, ang nilusutang butas ni Choi ay may taas na 5.9 inches at lapad na 17.7 inches.
Base sa iba pang mga ulat, tumagal lang ng 34 segundo ang pagtakas ni Choi na itinaon niya habang natutulog ang tatlong gwardiya.
Gumamit pa umano ng technique si Choi mula sa isang pelikula kung saan inayos nito ang kaniyang higaan sa paraan na magmumukhang natutulog lang siya sa loob ng kulungan.
Ikaw, alin sa mga kakaiba mong skills ang sa tingin mo ay magagamit mo kapag desperado ka na?