Nakahanda si Vice President Sara Duterte na kasuhan ang mga sinasabing may kasalanan sa pag-aresto sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, dapat managot ang sino mang may pakana sa tinawag niyang pagdukot sa kaniyang ama.
Gusto anya ng kanilang pamilya na makita na may makasuhan at managot sa pagdadala sa kaniyang ama sa detention facility ng International Criminal Court.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng pangalawang pangulo si Senador Imee Marcos sa pagbubukas ng mga usapin sa kung ano ang mga maling nagawa kaugnay sa pag-aresto sa dating pangulo.
Matatandaang, inaresto nuong marso ang dating pangulo at kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands sa kasong crimes against humanity dahil sa sinasabing madugong war on drug ng kanyang administrasyon.—sa panulat ni Kat Gonzales