Isasailalim sa yellow alert status ang Visayas grid mula ala-una ng hapon hanggang alas dose ng madaling araw matapos ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu.
Ito mismo ang kinumpirma ng National Grid Corporation of the Philippines matapos nag-shutdown o pumalya ang 27 power plants dahil sa lindol.
Ayon sa NGCP, 16 planta ang nauna nang hindi gumagana at isa ang nasa derated capacity.
Sa kabuuan, nasa 1,654.7 megawatts ang hindi available sa grid.
Tinatayang nasa 1,888 megawatts ang available capacity ng Visayas grid, samantalang 1,839 MW naman ang peak demand.
Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay ibinibigay kapag hindi sapat ang operating margin upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Samantala, nananatiling nasa normal na kondisyon ang Luzon at Mindanao grids.