Pinadalhan ng subpoena ng Philippine National Police (PNP) si Joaquin Buenaflor, chairperson ng University Student Council (USC) ng UP Diliman, kahapon, Miyerkules ng umaga, ayon sa UP Office of the Student Regent.
Tatlong pulis umano ang nagtungo sa bahay ni Buenaflor bandang alas-9 ng umaga habang siya ay nasa kampus ng UP Diliman. Tumanggi umanong tanggapin ng kanyang tiyo ang naturang dokumento. Ayon sa ulat, may kaugnayan ang subpoena sa ginampanang papel ni Buenaflor bilang organizer ng mga protesta laban sa korupsiyon, kabilang ang mobilisasyon sa Mendiola noong Setyembre 21.
Ipinabatid kay Buenaflor na maaaring maglabas ng warrant of arrest kung hindi siya sisipot upang magbigay ng pahayag. Siya ang ikaapat na student leader at unang mula sa UP na ipinatawag kaugnay ng mga nasabing kilos-protesta, kasama ang mga student leader mula sa PUP at De La Salle–College of St. Benilde.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP, maaari pa silang magpatawag ng mahigit 20 katao na umano’y sangkot sa bakbakan sa Mendiola sa pagitan ng mga raliyista at mga pulis.
Mariing kinondena ng student organizations, kabilang ang KASAMA sa UP, ang subpoena at sinabing walang basehan at isang anyo ng pananakot laban sa mga aktibistang kabataan.
Nakatakdang humarap si Buenaflor sa publiko sa isang press conference ngayong Huwebes, alas-11 ng umaga, sa lobby ng Vinzons Hall sa UP Diliman.