Pinuri ng Trabaho Partylist ang kasalukuyang economic policy ng administration ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong nakamit nito muli ang makasaysayang “all-time low” na unemployment rate ng Pilipinas.
Ayon sa Trabaho Partylist, napagtagumpayan pa lalo ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang direksyon nito sa ekonomiya matapos ding makamit ang ikalawang pinakamataas na Gross Domestic Product (GDP) growth sa buong mundo.
Matatandaang kabilang sa mga pinagsisikapan ni Pangulong Marcos ang paglikha ng mga dekalidad na trabaho, kasabay sa pagtitiyak sa kapakanan at seguridad ng mga manggagawa.
Para kay Atty. Filemon Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, hindi maitatanggi kung gaano kahirap ang mga minanang pandaigdigang hamon, kaya’t malinaw na tama ang tinatahak na polisya ni Pangulong Marcos.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 96.9% ang employment rate sa bansa noong Hunyo, bagay na ikinatuwa ng grupo dahil nakahanay ito sa mga plataporma nilang pagpapalakas ng kalidad ng trabaho, disenteng sahod at maayos na non-wage benefits.
Kinilala rin ng Trabaho Partylist ang tagumpay ng administrasyong Marcos matapos ito makapagdagdag ng halos isang milyong trabaho sa bansa, kumpara noong nakaraang taon, partikular sa sektor ng konstruksyon.