Ibinunyag ng Department of Education na papalo sa tatlong milyong estudyante ang nangangailangan ng tutorial program.
Ito’y kasunod ng inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority na nasa 5.58 million high school graduates ang ‘functionally illiterate’ o may problema sa pag-intindi at pag-comprehend.
Ayon kay Education Undersecretary Gina Gonong, nagkakaroon ng ‘gap’ sa pagkatuto ang estudyante kapag hindi nito naabot ang inaasahang matutunan nito.
Aminado rin ang opisyal na mahaba pa ang tatahakin upang matulungan ang mga mag-aaral kaugnay sa nasabing usapin.
Dahil dito, inilunsad ng DepEd ang Academic Recovery and Learning Program at bahagi nito ang libreng tutorial session sa hindi bababang tatlong milyong estudyante na nahihirapan sa functional literacy.
Sakop ng nasabing inisyatiba ang reading at math para sa Grade 1 hanggang Grade 10 at science para sa mga Grade 3 hanggang Grade 10.
Magsisimula naman ang assessment sa June 16, upang matukoy kung sino-sino sa mga estudyante ang nangangailangan ng nasabing tulong.