Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Tatak Pinoy Strategy, isang komprehensibong plano ng Pilipinas na layong palakasin ang mga lokal na industriya, itaas ang produksyon, at paunlarin ang kakayahan ng mga produktong Pilipino sa pandaigdigang merkado.
Batay sa Memorandum Circular Number 104, inaatasan ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng pamahalaan, government-owned and -controlled corporations, at mga LGU na suportahan ang pagpapatupad ng nasabing estratehiya na binuo ng Tatak Pinoy Council sa pangunguna ng Department of Trade and Industry.
Ang T.P.S. ay alinsunod sa Republic Act Number 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act, na naglalayong i-promote at suportahan ang paggawa at pag-aalok ng mga produktong Pilipino na de-kalidad at kayang makipagsabayan sa mundo.
Ayon sa D.T.I., binuo ang T.P.S. sa pamamagitan ng masusing konsultasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga research institutions.
Maliban dito, inaatasan din ang nasabing kagawaran, katuwang ang Presidential Communications Office, na ipakalat ang opisyal na kopya ng T.P.S. sa lahat ng kaukulang tanggapan at gawin itong bukas sa publiko sa kanilang opisyal na website upang itaguyod ang transparency at partisipasyon ng mga mamamayan.—ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)




