Nagdeklara na ng state of calamity ang bayan ng Malalag sa Davao Del Sur bunsod ng naranasang pagbaha at landslide na dulot ng walang patid na pag-ulan.
Isang resolusyon ang inaprubahan ng sangguniang panlalawigan ng Davao Del Sur na nagdedeklara ng state of calamity at para na rin sa pagpapalabas ng pondo na gagamitin bilang tulong sa mga napektuhang residente at rehabilitasyon.
Nabatid na naapektuhan ang lahat ng barangay sa nasabing bayan, kung saan pinakanapuruhan ang Barangay Poblacion makaraang umapaw ang mga sapa sa lugar.
Dalawa naman ang napaulat na nasawi, kung saan isa ay mula sa Barangay Ibu at isa sa Barangay Pitu.
Nagkasa rin ng rescue at force evacuation ang mga otoridad at sinuspinde rin ang klase sa lahat ng antas.
Samantala, maliban sa Malalag ay binaha rin ang munisipalidad ng sulop at ilang bahagi ng Kiblawan.