Sa patuloy na pagtalakay at pag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects at sa mga taong sangkot dito, bago tayo magalit, mahalagang tingnan natin din natin ang iba pang anggulo ng isyu.
Bukod sa flood control projects na maaari sanang makatulong na paliitin ang tyansa ng pagbaha, pag-usapan din natin ang iba pang dahilan kung bakit nga ba tayo binabaha, katulad na lang ng mga basura.
Aminin na natin, lahat tayo ay may ambag sa sandamakmak na mga basura, mula sa mga pinagkainan, packaging ng parcels, diapers, at sa iba pang mga kinokonsumo natin araw-araw.
Pero para kay Senior Deputy Minorty Leader at Caloocan City 2nd District Representative Cong. Edgar ‘Egay’ Erice, sinabi niya sa opisyal na panayam ng DWIZ na solid waste management system ang nakikita niyang pangunahing dahilan kung bakit binabaha ang maynila maski na ang mga matataas na lugar.
Biruin niyo, sa dami ng pinaghalong mga basura na pino-produce natin araw-araw, 40% lang daw nito ang nakokolekta?
Ayon pa kay Cong. Erice, kung hindi nakokolekta ang karamihan sa mga basura ay maaaring sa dagat, drainage, ilog, o di naman kaya ay sa water waste ito napupunta.
Pero ang problema, kung mayroong ghost flood control projects, mayroon din palang ghost garbage collection, na ayon kay Cong. Erice ay ginagastusan ng mga LGU ng daan-daang milyong piso.
Para solusyunan ang ilang henerasyon nang problema sa mga tambak na basura, sinabi ni Cong. Erice na dapat ay magkaroon ng legislative assembly na mamamahala sa nasabing isyu na siyang magbibigay ng mga batas at kautusan na susundin ng mga LGU.
Sa tuwing napag-uusapan ang baha at mga basura, ang mga tao ang palaging sinisisi dahil sa maling waste disposal.
Pero kung tutuusin, hindi lang dito nag-uugat ang problema.
Bukod kasi sa kakulangan sa kooperasyon, kinakailangan din ng solidong plano para sa mga nabanggit na isyu na magiging tulay para unti-unting matumbok at masolusyunan ang magkakakonektang mga problema.