Pormal na hihilingin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Junior sa Bureau of Customs ang pag-turn-over sa mga container van ng smuggled frozen mackerel na nasabat sa Port of Manila matapos kumpirmahin na ligtas kainin ang mga ito.
Batay sa resulta ng laboratory tests na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, pumasa sa microbiological safety standards na itinakda ng Philippine at international food regulations ang lahat ng samples na nakumpiskang mackerel.
Ayon sa BFAR, pasok sa katanggap-tanggap na limits ang presensya ng E. coli, Staphylococcus aureus, Salmonella, at aerobic plate counts.
Ang dalawang containers na kasalukuyang nakaimbak sa Port of Manila ay naglalaman ng tinatayang 50 metric tons ng frozen mackerel na nagkakahalaga ng mula 13 hanggang 20 million pesos, na sasapat para makapagbigay ng tig-isang kilo ng isda sa limampung-libong pamilya.
Nauna nang iniutos ng Bureau of Plant Industry na itapon na ang shipment ng mga smuggled na sibuyas at carrots na kasabayang nasita ng Department of Agriculture dahil nabulok na ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Sec. Tiu Laurel na patuloy na binibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang pangangailangang protektahan ang kalusugan ng publiko at masugpo ang smuggling.