Dapat tiyakin ng MMDA ang patas, mabilis, at transparent na implementasyon ng Non-Contact Apprehension Policy or NCAP para maiwasan ang mga alalahanin at pangamba sa naturang programa.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, mahalaga na matanggal sa isip ng mga motorista na ang NCAP ay isang paraan lang para kumita ang MMDA o ang gobyerno.
Ang pagsasaayos, aniya, sa pagpapatupad ng NCAP at ng mga batas trapiko ang pinaka-importanteng hakbang para maging katanggap-tanggap para sa lahat ang programang ito.
Kasama ang maraming motorista, ikinalungkot ni SP Escudero ang ginawang pagtanggal ng Korte Suprema sa temporary restraining order laban sa NCAP. Ito ay dahil sa marami pa, aniya, ang nangangamba kung magiging patas pagdating sa apprehension at kung masusunod ang due process sa pagpapatupad ng naturang program.
Isa aniya sa mga kwestyon ay kung mabilis na maipapadala ang Notices of Violations o NOV.
Batay aniya sa report mula sa MMDA, maaaring matagalan dahil sa mga posibleng kaharaping problema sa pagpapadala ng notice.
Lumalabas na matagal ang buong proseso sa pagpapadala ng mga notices dahil via snail mail pa.
Maaaring aniya na pag dumating na ang Notice of Violations ay hindi na matandaan ng motorista ang sinasabing violation.
Giit ni Escudero, dapat ay ilang araw lang matatanggap na ang notice… mas mabilis, mas maganda.
Maaari din aniya na magpatong-patong ang penalty para sa non-payment ng multa kung mawala ang Notices of Violations sa mail.
Kaya dapat aniya idaan sa emails ang mga notice kung available ito sa kanilang system para mapabilis ang proseso.
Giit pa ni Escudero, dapat na agarang aksyunan ng MMDA ang mga problematic lane marking, traffic lights, at signages dahil magiging basehan ang mga ito para sa maraming violation at apprehension.
Kailangan aniya klaro ang mga ebidensya at hangga’t maari ay hindi kwestyunable at hindi kaduda-duda.
Mabibigyang katwiran, aniya, at magiging katanggap-tanggap ang NCAP kung magiging patas, mabilis, transparent, at consistent ang implementasyon nito.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)