Nasa kamay pa rin ng impeachment court ang hurisdiksyon sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang nilinaw ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, sa kabila ng utos ng senate impeachment court na ibalik sa prosecution o kamara ang articles of impeachment upang tiyakin na ito ay tumatalima sa probisyon ng saligang batas na one-year ban, at makapaglabas ng resolusyon na itutuloy ng 20th Congress ang impeachment laban sa bise presidente.
Sinabi rin ni Senate President Escudero na malinaw rin sa mosyon na hindi pinadi-dismiss o pinate-terminate ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Naniniwala ang lider ng senado na mayroon silang hurisdiksyon kaya sila nakapag-isyu ng summon kay VP Sara
Sa ngayon aniya, wala pang aksyon na pwedeng gawin ang impeachment court at hihintayin muna nila ang compliance ng prosecution at ang sagot ng panig ng bise presidente sa ipinadalang writ of summon.
—sa panulat ni John Riz Calata