Nagdeklara ng giyera si Senador Jinggoy Estrada sa mga umaatake laban sa kanya at ginagamit ang kanyang nakaraang mga kaso para siya’y patahimikin.
Ayon kay Senador Estrada, bago pa man nagsimula ang pagdinig sa maanomalyang flood control projects, sinabihan na siya na posible siyang maging target ng imbestigasyon sa mga sinasabing maanomalyang proyekto dahil sa naging kaso niya kaugnay sa pork barrel scam na hinarap naman niya sa korte, kung saan siya’y napawalang sala.
Sa kabila nito, iginiit ni Senador Estrada na hindi siya mapapatahimik ng sinuman… patuloy aniya niyang gagampanan ang tungkulin na mag-imbestiga para maghanap ng katotohanan at ilantad ang mga katulad ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Ericson Hernandez na sinasabing sangkot sa pagnanakaw sa pera ng bayan.
Dagdag pa ng mambabatas, kung nakuha niyang humarap sa kaso at tanggapin ang kaparusahan ng isang krimen na napawalang-sala siya, lalong kaya niyang harapin ang isang Brice Hernandez na lantarang sinungaling at aniya’y magnanakaw.