Tuluyang pinangalanan ni Senador Jinggoy Estrada ang tatlong matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y may pananagutan sa pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.2 bilyon.
Ayon kay Estrada, kabilang sa mga sangkot sina Undersecretaries Eugenio Pipo Jr., Ador Canlas, at Maria Catalina Cabral. Bukod sa kanila, binanggit din niya ang dalawang assistant secretaries na sina Loreta Malaluan at Mary Bueno.
Lumitaw ang pangalan ng mga ito matapos tanungin si Estrada ni Sen. Rodante Marcoleta sa sesyon ng Senado.
Nilinaw naman ni Sen. Imee Marcos na hindi kasali si Usec. Roberto Bernardo sa mga inaakusahan.
Ipinaalala ni Estrada na natapos lang ang tulay noong Pebrero 1, 2025 pero bumagsak agad makalipas ang 26 araw.
Aniya, may babala na raw ang ilang engineer tungkol sa posibleng pagguho ngunit hindi ito pinansin ng ilang opisyal.
Giit ni Estrada, dapat managot hindi lang ang contractor at consultant kundi pati ang mga opisyal ng DPWH na may tungkulin sa pag-apruba at pagbabantay sa proyekto.
Wala pa rin umanong napaparusahan o iniimbestigahan sa mga sangkot.
Dagdag pa niya, kailangang ipakita ng DPWH na seryoso sila sa pagpapanagot sa mga responsable at sa pagpapatupad ng reporma para maiwasan na ang ganitong insidente sa hinaharap.
Matatandaang anim ang nasugatan sa pagbagsak ng tulay, at ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, hindi raw ito simpleng “aksidente” dahil may lumabas na ulat na may depekto na ang tulay habang ginagawa pa lang ito.