Iginiit ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na dapat mag-ingat at huwag basta-basta magpadala sa mga diversionary tactics kaugnay sa sinasabing isyu sa budget insertion.
Ito’y matapos pagbintangan ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno si Senador Escudero, kung saan sinabi niya na ang dating Senate President at si dating House Appropriation Chairman Zaldy Co ang responsable sa budget insertion ngayong kasalukuyang taon at wala aniyang kinalaman sa nangyaring insertion si dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senate Committee on Finance Chairman Grace Poe.
Giit ni Sen. Escudero, katawa-tawa ang agarang pag-abswelto ng kongresista kay Rep. Romualdez at agad na paglaglag kay Congressman Co.
Inililihis anya ang isyu at agad na nagtuturo ng iba, kung saan sila ni Congressman Co ang sinabi na dapat sisihin sa kontrobersyal na insertion sa pambansang budget ngayong taon.
Ipinunto ng senador na pasok sa 2022 hanggang 2024 national budget ang karamihan sa mga ghost at substandard infrastructure projects, gayundin ang mga kickbacks nito.
Batay anya ito sa Commission on Audit, Department of Budget and Management, Department of Public Works and Highways at sa paglalahad ng whistleblowers.
Dahil dito, umapela si Sen. Escudero sa publiko na mag-ingat at huwag magpadala sa diversionary tactics.