Isandaang porsyento nang nakapagsumite ng courtesy resignation ang lahat ng mga opisyal, mula sa central office hanggang sa district level ng Department of Public Works and Highways.
Ito ang kinumpirma mismo ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, sa pagharap sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations para sa 2026 budget ng ahensya.
Matatandaan nang maitalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dizon bilang kalihim ng DPWH, ay kaagad niyang ipinag-utos na magsumite ng courtesy resignation ang mga opisyal at kawani ng ahensya.
Saklaw ng naturang direktiba ang lahat ng undersecretaries, assistant secretaries, division heads, regional directors at district engineers sa buong bansa.
Batay sa datos, dalawanda’t limampung kawani ng DPWH ang maaapektuhan at karamihan sa kanila ay pinuno ng mga district engineering offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
—sa panulat ni Jasper Barleta