Naranasan mo na bang paulit-ulit na pag-ihi na may kasamang hapdi? Baka urinary tract infection o UTI na ‘yan.
Ayon sa urologist, karaniwang sanhi ng UTI ang pagpasok ng bacteria, gaya ng E. coli, sa urinary tract o daanan ng ihi. Madalas itong nangyayari kapag kulang sa pag-inom ng tubig, pinipigilan ang pag-ihi, o hindi tamang paraan ng paghuhugas matapos dumumi.
Mas mataas din ang posibilidad ng UTI sa mga babae dahil mas maikli ang kanilang urethra, kaya mas madaling makapasok ang bacteria.
Maaari rin itong makuha sa hindi malinis na pakikipagtalik at paggamit ng maruming banyo.
Kaya paalala ng mga eksperto, ugaliing uminom ng maraming tubig, huwag pigilan ang pag-ihi, at panatilihing malinis ang ari. Sa ganitong paraan, maiiwasan mo ang sakit at abalang dulot ng UTI.




