Muling ipinanawagan ng Philippine Medical Association (PMA) sa publiko na gawin na lamang sa “outdoors” o “open spaces” ang mga planong christmas parties o reunions upang makatiyak na hindi muling kakalat ang covid-19.
Inihayag ni (PMA) President Dr. Benito Atienza na malaking tulong ang maayos na daloy ng hangin para hindi magkahawahan ng virus ang mga dumadalo sa inaasahang kabi-kabilang parties.
Dapat anyang iwasan ng mga organizer na gawing buffet ang sistema ng pagkain sa halip ay indibiduwal na ibibigay ang pagkain sa mga party-goer.
Pinayuhan din ni Atienza ang hotels at iba pang venues na himukin ang kanilang guest na magsuot lagi ng face mask at aalisin lamang kapag kakain at panatilihin ang distansya ng seating arrangement.
Samantala, nananawagan naman ang PMA president sa mga magulang na huwag nang isama ang mga anak na apat na taong gulang pababa dahil wala pa silang bakuna kontra sa covid-19.