Ikinababahala na ng ilang business at industry groups ang magiging epekto ng EDSA rebuilding project sa kanilang araw-araw na operasyon.
Ito’y dahil inaasahang magdudulot ang naturang proyekto ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa sandaling simulang na ito sa Hunyo.
Ayon sa Supply Chain Management of the Philippines o SCMAP, kabilang sa mga labis na maaapektuhan ang mga nagpo-produce at nagdedeliver ng mga produkto sa mga mall at supermarket.
Maaari anilang magresulta ito sa mas mahabang oras ng delivery, pagkaunti ng stocks at pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Bagaman nauunawaan ng SCMAP ang kahalagahan na ayusin ang EDSA, nanawagan sila sa gobyerno na ipabatid nang maayos sa stakeholders kung ano talaga ang kanilang mga plano upang makapaghanda sila ng mas maaga at maayos.
Para naman kay Makati Business Club Executive Director Apa Ongpin, tiyak na may malaking epekto sa bawat empleyado ang inaasahang traffic congestion sa EDSA, lalo ang mga walang option na mag-work from home, gaya ng mga service workers. Samantala, hinimok ng Philippine Chamber of Commerce and Industry ang mga pribadong kumpanya na magpatupad ng hybrid work schemes sa gitna nang ikinakasang EDSA rehab.