Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang prangkisa ng Romblon Electric Cooperative, Inc. (ROMELCO) na magtatatag ng suplay ng kuryente sa tatlong munisipalidad sa lalawigan.
Sa bisa ng Republic Act No. 12020, mabibigyan ang ROMELCO ng prangkisa sa loob ng 25 taon upang magpatakbo, mamahala, at magpanatili ng suplay ng kuryente para sa mga munisipalidad ng Banton, Corcuera, at Concepcion sa Romblon.
Inatasan din ng batas ang ROMELCO na panatilihing mura at abot-kaya ang kuryente para sa mga konsyumer.
Dagdag pa rito, inaasahan din ang kooperatiba na mag-aalok ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga residente ng Romblon.
Matatandaang nauna nang tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy ang pamahalaan sa pagdagdag ng mga imprastraktura upang mapababa ang presyo ng kuryente at matupad ang kanyang layunin na magkaroon ang bawat tahanan ng kuryente bago matapos ang kanyang termino.