Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang ginawang operasyon ng Police Regional Office 4A o CALABARZON PNP laban sa mga miyembro ng CPP-NPA.
Ito ang tugon ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas sa akusasyon ng iba’t ibang miltanteng grupo sa anila’y “Mala-Tokhang” na istilo ng pag-aresto sa kanilang hanay sa timog katagalugan.
Giit ni Sinas, pinaghirapan nila ang pagkuha ng Search Warrant sa Korte laban sa mga natukoy nilang indibiduwal na nagmamay-ari gayundin ay nag iingat ng mga armas.
Madaling araw ng Linggo nang magkasa ng operasyon kontra loose firearms mga tauhan ng CALABARZON PNP kung saan, isinilbi nila ang Search Warrants laban sa 24 indibiduwal.
Batay sa pinakahuling impormasyong nakuha ng PNP Chief mula sa PRO 4A, 9 ang bilang ng mga nasawi matapos manlaban habang nasa 15 ang naaresto at 4 ang nakatakas. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)